Umusad na sa second round ng US Open si world No.1 Novak Djokovic makaraang magtagumpay ito kontra sa pambato ng Spain na si Roberto Carballes Baena.
Nagwagi ang three-time champion na si Djokovic, 6-4, 6-1, 6-4, para simulan ang kanyang title defense sa Flushing Meadows.
Sunod na haharapin ni Djokovic si Juan Ignacio Londero ng Argentina.
Samantala, nakaligtas naman si Roger Federer sa banta ng 22-year-old na si Sumit Nagal ng India.
Kinailangan ni Federer ng dalawa’t kalahating oras upang biguin si Nagal, 4-6, 6-1, 6-2, 6-4 sa Arthur Ashe Stadium.
Si Damir Džumhur ang makakatunggali ng Swiss star sa second round.
Ang Japanese seventh seed namang si Kei Nishikori ay bibiyahe na rin sa susunod na round nang kunin nito ang 6-1 4-1 panalo kontra kay Marco Trungelliti ng Argentina.
“It’s a little bit sad to see. He’s a great player,” ani Nishikori. “I played great tennis from the beginning and I’m happy with the way I played. But honestly, I wanted to play a little more because I was feeling good on the court and I wanted to get a little more confidence.”
Maging si Serena Williams ay naka-buwena mano sa torneyo nang magreyna ito kontra sa karibal na si Maria Sharapova sa bakbakang natapos sa loob ng halos isang oras.