Umusad na rin sa quarter-finals ng French Open si Novak Djokovic matapos nitong magapi sa straight sets si Jan-Lennard Struff ng Germany.
Patuloy ang kampanya ng top seed at world No. 1 na si Djokovic na masungkit ang lahat ng apat na Grand Slam titles sa ikalawang pagkakataon nang tapusin nito ang harapan nila ni Struff sa 6-3, 6-2, 6-2.
Dahil dito, si Djokovic ang unang player na nakapasok sa last eight ng Roland Garros sa 10 magkakasunod na season.
Sunod namang haharapin ng 32-year-old si fifth seed Alexander Zverev na kanya namang ika-13 overall appearance sa quarter-finals sa Paris.
“It was tricky with the rain, but that’s Paris,” wika ng 2016 champion. “I’m really confident with my serve. I hope it continues like that.”
Tanging si Australian great Rod Laver lamang ang nakakamit ng lahat ng apat na majors nang sabay-sabay matapos ang kanyang calendar Grand Slams noong 1962 at 1969.
Naabot naman ni German fifth seed Zverev ang ikalawang sunod nitong Roland Garros quarter-final sa pamamagitan ng 3-6, 6-2, 6-2, 7-6 (7/5) win kontra kay Fabio Fognini ng Italy.