Nangangambang posibleng hindi rin makapaglaro si Novak Djokovic sa French Open sa buwan ng Mayo dahil sa ipapatupad na paghihigpit para hindi na kumalat ang COVID-19.
Nagpasa kasi ang France ng vaccine pass law na aprubado ng parliyamento kung saan dapat ang mga tao ay magpakita ng certificate of vaccination kapag magtutungo sa mga pampublikong lugar.
Ayon sa Health ministry ng bansa na kapag tuluyan ng maipasa ang batas ay maghahanap ng vaccination certificate ang mga establishimento.
Hahanapin ito sa lahat ng tao maging spectator man o manlalaro.
Hindi naman nila tiyak kung magkakaroon pa ng pagbabago pagdating ng mga panahon.
Magugunitang hindi sang-ayon si Djokovic sa pagpapabakuna ng manlalaro laban sa COVID-19 na siyang naging sanhi para kanselahin ang kaniyang visa sa Australia at tuluyang hindi maidepensa ang kaniyang titulo sa Australian Open.