-- Advertisements --

MADRID – Sa ikatlong pagkakataon, nakausad sa Madrid Open final si Novak Djokovic matapos nitong pakainin ng alikabok si Dominic Thiem.

Nadaig ni Djokovic si Thiem sa dalawang tiebreakers para itala ang 7-6 (2), 7-6 (4) victory.

Haharapin ng Serbian superstar ang magwawagi sa hiwalay na semifinal sa pagitan nina Rafael Nadal at Stefanos Tsitsipas.

Ito rin ang ikalawang final na nalahukan ng No. 1 na si Djokovic, na sinimulan ang taon sa kanyang tagumpay sa Australian Open.

Sakaling magwagi, makakamit ni Djokovic ang kanyang ika-33 Masters 1000 title upang maduplika ang record ni Nadal.

Apat na sets lamang ang nilaro ni Djokovic, na nagkampeon sa Madrid noong 2011 at 2016, sa Spanish capital nitong linggo bago ang semifinals.