Pasok na sa semifinals ng Australian Open si Serbian tennis star Novak Djokovic.
Ito ay matapos ang makasaysayang panalo kay Carlos Alcaraz sa score na 4-6, 6-4, 6-3, 6-4 sa laro na tumagal ng tatlong oras at 37 minuto.
Sinabi ng 10-time Australian Open champion na itinuturing niyang isang makasaysayan ang laban.
Dahil sa panalo ay nalalapit na niyang makamit ang kaniyang record na 25th grand slam para mahigitan si Margaret Court ng Australia.
Sa unang set ay nakuha ng Spanish tennis star ang panalo kung saan napilitang tumawag ang 37-anyos na si Djokovic ng medical timeout dahil sa injury sa kaniyang hita.
Bumalik ito sa second set na nakatali na ng benda ang kaniyang kaliwang hita.
Nagkaroon ng matinding rally ang dalawa hanggang umabot sa ikaapat na set at tuluyang nakuha ni Djokovic ang panalo.
Susunod na makakaharap ni Djokovic sa semifinals si Alexander Zverev sa araw ng Biyernes.