Naniniwala si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na ang kauna-unahang pagbisita ni US Defense Secretary Pete Hegseth sa Pilipinas, ay lalong magpapatibay sa kooperasyon ng dalawang bansa, sa gitna ng mga kinakaharap na hamon sa seguridad ng rehiyon.
Binigyang diin ni Ortega, ang kahalagahan ng pagbisita ni Secretary Hegseth lalo na sa panahon na mataas ang tensyon sa Indo-Pacific region, kasama ang West Philippine Sea.
Binigyang halaga ni Ortega ang malapit na kolaborasyon ng Maynila at Washington sa pagtugon sa mga umuusbong na banta sa seguridad at pagprotekta sa soberanya.
Bahagi ng pagbisita ni Secretary Hegseth ang high-level na pulong kasama ang mga opisyal ng Pilipinas na nakatuon sa pagpapaigting ng defense cooperation at pagpapalakas sa maritime deterrence strategies gaya ng pinagsamang pagpapatrolya sa katubigan, pinalakas na interoperability pagitan ng sandatahang lakas ng Pilipinas at US na kapwa mahalagang hakbang para labanan ang patuloy na panghihimasok sa katubigan ng Pilipinas.
Makailang ulit nang inihahayag ni Ortega ang mga hamon sa seguridad partikular ang madalas na pagpasok ng mga barko ng China sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Tiniyak ni Ortega na ang Kamara de Representantes, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay aktibong susuportahan ang mga pagsisikap sa kooperasyong pang depensa sa pamamagitan ng pagpasa ng kinakailangang batas, gaya na lamang ng inisyatiba para pahusayin ang mga kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), paglalaan ng sapat na pondo para sa defense modernization, at pagpapalakas ng mga istruktura para sa maritime surveillance at defense.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Ortega sa muling pagkilala ni Secretary Hegseth sa “ironclad” commitment ng Estados Unidos sa 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na lalo umanong magpapalakas sa posisyong pang seguridad ng bansa.
Nananatili aniya itong kritikal na sandigan ng relasyon ng Pilipinas at US at isa sa pundasyon ng pambansang depensa sa gitna ng nagbabagong geopolitical na realidad.
Nanawagan din si Ortega sa mga Pilipino na aktibong makibahagi sa pagbibigay ng proteksyon sa soberanya ng bansa.
Aniya, bagamat mahalaga ang pagsisikap ng gobyerno, importante rin ang pagkakaisa ng bansa ang kolektibong pagbabantay para tugunan ang mga panglabas na hamon.