-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagsuspendi ng deployment ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait.

Kasunod ito ng malungkot na pagkamatay ng OFW na si Jenny Alvarado, na namatay dahil sa asphyxiation mula sa nasusunog na uling sa Kuwait, kung kaya’t ito ang nag-udyok sa sa ahensya na suriin at posibleng magpatupad ng mas mahigpit na mga hakbang ukol sa pagpapadala ng mga OFW sa bansa.

Ang pagkamatay ni Alvarado, na kasamang pumanaw ang dalawang Nepali na kasambahay, ay nagdulot ng mas matinding atensyon sa mga mapanganib na kondisyon ng mga Filipino domestic workers sa Kuwait, kung saan marami sa kanila ay nagtatrabaho bilang kasambahay.

Sa tala ng DMW aabot sa 250,000 na mga Filipino domestic workers ang nag tatrabaho sa Kuwait, kung saan 90 hanggang 95 percent nito ay mga kasambahay.

Kinumpirma rin ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na sinusuri na ng kanilang departamento ang mga polisiya sa pagpapadala ng mga OFW, kabilang ang pagsuspinde o restriksiyon ng deployment papuntang Kuwait. Gayunpaman, binigyang-diin ni Cacdac na ang mga desisyong ito ay gagawin lamang pagkatapos ng masusing pagsusuri at pag-uusap sa mga Kuwaiti Authorities.

Tinukoy din ni Cacdac ang mga isyu sa proseso na may kinalaman sa maling paghawak ng mga labi ni Alvarado, na nagkaroon ng palitan na katawan, at tiniyak na magkakaroon ng mas mahigpit na hakbang upang maiwasan ang mga katulad na pagkakamali sa hinaharap, lalo na sa pagselyo at kumpirmasyon ng mga labi bago ito ipadala sa Pilipinas.