Desidido ang Department of Migrant Workers (DMW) na tuklasin ang mga taong nasa likod ng illegal recruitment ng mga Pilipino na pinangakuan ng disenteng trabaho sa ibang bansa, ngunit nauwi sa mala-POGO hub sa Myanmar, Laos at Cambodia.
Sinabi ni DMW undersecretary for licensing and adjudication services Bernard Olalia, na-set up na ang isang sistema para labanan ang trafficking ng mga Pilipino.
“We are trying to get to the bottom of the case and we are trying to find out kung sino po ang nag-recruit sa kanila kailangan natin dito huwag nang maulit iyong mga nangyayari kung paano sila nadadala doon through illegal migration corridors,” ani Olalia.
Kasama aniya sa sistema ang paglalagay ng isang labor attaché sa Thailand at pakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs at Inter-Agency Council Against Trafficking.
Una rito, 12 biktima ng trafficking mula sa Myanmar ang dumating sa bansa sa pamamagitan ng repatriation program ng gobyerno.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na isa sa 12 ang inaresto matapos matuklasan na ang isa ay isang illegal recruiter na nagpanggap bilang isang distressed overseas Filipino worker (OFW).
“Again yung constant reminder natin, kung online ‘yung recruitment scheme, ‘yung transaction that is a badge of illegal recruitment. Kasi yung lehitimong recruitment agency may opisina yan at makikita nyo, makakaapak kayo sa opisina ng recruitment agency,” paalala ni Cacdac sa publiko.