Hihilingin ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga may-ari ng barko na dagdagan ang presensya ng mga maritime security escort para sa mga sasakyang pandagat at palakihin ang bilang at kalidad ng mga armadong security guard sa mga barko lalo na kapag dumadaan sa Red sea at Gulf of Aden.
Ito ay sa gitna na rin ng mga pag-atake ng Houthi rebels mula Yemen sa mga sasakyang pandagat na naglalayag sa nasabing mga karagatan na iniuri bilang war-like zones
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) chief Hans Leo Cacdac na gagawa sila ng aksyon laban sa mga may-ari ng tatlong sasakyang pandagat kung saan nakompromiso ang kaligtasan ng mga Pilipinong tripulante sa pag-atake ng Houthi rebels.
Sinabi ni Cacdac na ang kanilang hakbang ay para sa proteksyon ng mga Filipino seafarer dahil ang Red Sea at Gulf of Aden ay itinalaga bilang “war-like zones” dahil sa marahas na pag-atake ng mga rebeldeng Houthi.
Magsasagawa din ang ahensiya ng aksyon sa mga may-ari ng 3 barko na inatake ng rebeldeng grupo kabilang ang Galaxy Leader, True Confidence, at MV Tutor.
Una ng sinabi ng ahensiya na hindi na ipoproseso o papayagan ang pagsakay ng mga marino sa tatlong barko na naging target ng pag-atake.