Nananatili pa ring blangko ang Department of Migrant Workers kung kailan makakauwi ng Pilipinas ang dalawang Pinoy crew members ng True Confidence vessel na nasugatan sa missile attack ng Houthi rebels sa Gulf of Aden.
Sa isang pahayag sinabi ng ahensya na patuloy pang ino-obserbahan ng kanilang mga kawani ang kalagayan ng dalawang Pinoy seafarers.
Bagamat aniya ang mga ito ay stable naman ang kanilang sitwasyon sa ospital sa Djibouti City.
Siniguro rin ng Department of Migrant Workers na kaagad silang pauuwiin ng Pilipinas sa sandaling ideklara na ng doktor na sila ay “fit for travel’ na.
Samantala, inihayag din ng ahensya na hinihintay pa nilang matapos ang recovery operations sa labi ng dalawang Pinoy seafarers na namatay sa pag-atake.
Sa ngayon anila, nagpapatuloy pa ang salvaging operation sa barko para makuha na ang naturang labi.
Nasunog kase ang fuel tank ng barko kaya hirap ang mga kinauukulan na pasukin ito.