-- Advertisements --

Ikinasa ng Department of Migrant Workers ang kanilang pagsalakay sa iba’t-ibang mga opisina ng isang learning center na sangkot sa ilegal na pagpapadala ng mga manggawang Pilipino abroad. 

Natuklasan kasi ng kagawaran ang ilegal na pag-aalok umano ng mga trabaho ang naturang kumpanya partikular papunta sa bansang Japan. 

Dahil dito, agad na iniutos ng mismong kalihim ng kagawaran na si Secretary Hans Leo Cacdac ang pagpapasara at pagpapanagot sa mga maling gawaing ito ng learning center. 

Kaya naman, ibinahagi ng kanyang undersecretary na si Atty. Bernard P. Olalia ang naging stratehiya nila upang tuluyang maipasara ang mga opisina ng illegal recruiters.

Paliwanag niya, sabay-sabay nilang pinuntahan ang magkakaibang lokasyon ng mga opisina nito upang hindi matimbrehan at maging matagumpay ang kanilang pagpapasara. 

‘At sabihin ko nalang noh, tatlo sa Mindanao yung ipinasara natin, tatlo sa Mindanao, isa sa CALABARZON at isa dito sa Metro Manila. Sabay-sabay na po ito para ng hindi na matimbrehan yung iba’t ibang mga branches nito,’ pahayag ni Undersecretary Atty. Bernard P. Olalia ng Department of Migrant Workers.

Ayon pa sa kanya, matagal na nila itong tinitiktikan sa pamamagitan ng pagmamatyag online sa tinutukang mga illegal recruiters.

Mahaharap naman sa kasong kriminal ang naipasarang learning center kasabay ng pagpapanagot na rin sa iba pang mga recruitment agencies na may ugnayan din umano sa kanilang pangloloko.