Inihayag ng Department of Migrant Workers ang kanilang hiling na planong mas paliwigin ang paglalagay ng mga labor attaché sa iba’t ibang mga bansa sa Southeast Asia.
Nais kasi ng kagawaran na magkaroon pa ng dagdag kinatawan mula sa kanilang tanggapan o pormal na presensya sa mga bansang ito.
Ayon mismo kay Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers, sa pamamagitan ng inisyatibong ito, sila umano’y mas makatutulong pa sa pag-asiste ng mga Pilipinong manggagawa na biktima ng human trafficking.
Kaya naman hiling ng naturang kalihim na mapakinggan ng Department of Foreign Affairs ang kanilang mungkahi upang maisakatuparan ito.
‘We are also putting forward the proposal before the DFA na magkaroon na kami ng formal presence sa mga ASEAN countries para matulungan namin yung mga posts, embassies, the ambassadors in terms of facilitating the safe return and reintegration of victims of human trafficking in Southeast Asia,’ ani Secretary Hans Leo Cadac ng Department of Migrant Workers.
Paglilinaw naman niya, bagama’t mayroon ng mga kinatawan ang kagawaran sa ibang mga bansa sa naturang bahagi ng Asya, kulang pa umano ito sapagkat aniya’y anim na bansa ang wala pa.
Giit niya, ang hindi pa nakukumpletong bilang ay dapat mapunan kasabay ng kanilang ugnayan at pakikipagtulangan sa Department of Foreign Affairs.
Samantala, sineguro naman ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na sila’y nakahandang umasiste sa repatriation ng mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa bansang Myanmar kung sakali mang kailanganin ito ng embahada ng Pilipinas sa naturang bansa.