Iniulat ng Department of Migrant Workers na walang Pilipino ang napaulat na nasugatan o namatay sa matinding pagbaha na nanalasa sa West Sumatra sa Indonesia nitong weekend base sa report mula sa Migrant Workers Office sa Singapore.
Sa kasalukuyan kasi walang tanggapan ang DMW sa Indonesia kaya’t ang MWO sa Singapore ang nakatutok sa pagmonitor sa mga OFW sa Indonesia.
Sa kabila nito patuloy na sinusuri ang DMW ang kalagayan ng OFWs sa lugar.
Maigting na nakikipag-ugnayan na rin ang MWO-SG sa PE-Jakarta para mamonitor ang sitwasyon ng ating mga kababayan doon.
Una rito, hindi bababa sa 41 katao ang iniulat na namatay habang may 17 indibidwal ang nawawala bilang resulta ng pagbaha at mudslide.
Iniulat ng mga ahensya ng gobyerno ng Indonesia na ang mga distrito ng Agam at Tanah Datar malapit sa Padang sa West Sumatra ay ang mga lugar na pinakamatinding tinamaan ng naturang kalamidad.