
Pinangunahan ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople ang pagsasara ng isang travel consultancy agency sa Quezon City dahil sa illegal recruitment.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ople na ang OVM Visa Assistance and Travel Consultancy na matatagpuan sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City ay nag-aalok ng mga trabaho sa Poland at Malta.
Gayunpaman, nilinaw niya na ang nasabing ahensya ay hindi nakalista bilang isang lisensyadong recruitment agency.
Samantala, inulit ni Ople ang zero-tolerance policy ng DMW para sa mga illegal recruiter at human trafficker.
Ayon kay Geraldine Mendez, Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) Director, ang pagsasara ay nag-ugat sa reklamong kanilang natanggap sa tanggapan ng DMW.
Aniya, batay sa pahayag ng nagrereklamo, ang mga aplikante ay kinakailangan umanong magbayad ng P460,000 bilang processing fee.
Gayunpaman, kailangan nilang magbayad kaagad ng halagangP60,000 bilang downpayment at kapag naibigay na ang visa, kailangan nilang bayaran ang natitirang halaga sa staggered basis hanggang sa mabayaran nila ang kabuuang halaga.
Gamit ang impormasyong hawak ng departamento, naglabas si Ople ng closure order para sa OVM Visa Assistance at Travel Consultancy.
Una na rito, inihahanda na ang kasong illegal recruitment laban kay Vilma Rosario, ang may-ari ng travel agency, at mga empleyado nito.