Irerekomenda ng Department of Migrant Workers na iuri bilang high-risk area ang Strait of Hormux kasunod ng pagkubkob ng Iran sa MSC Aries container ship na iniuugnay sa Israel kung saan kabilang sa lulan nito ang 4 na Pinoy seafarers.
Ayon kay Migrant Workers Officer-in-charge Hans Leo Cacdac, kanilang irerekomenda ito sa International Bargaining Forum, isang global platform na pinagsasama-sama ang International Transport Workers Federation at International maritime employers.
Sinabi din ng opisyal na hindi lamang nila prayoridad kundi misyon nila na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong seafarers.
Kayat sa pamamagitan aniya ng pamgunguna sa pagsusulong na ideklarang high risk ang lugar, gumagawa ang bansa ng proaktibong katayuan para magpataw ng mas mahigpit na security measures at mabigyan ng kaukulang safeguards ang mga seafarers sa kanilang pagdaan sa naturang karagatan.
Una na ngang itinalaga bilang high-risk areas ang Gulf of Aden habang ang Red Sea naman ay isinama sa war-like zones.
Binigyang diin naman ni Cacdac na may karapatang tumanggi ang mga Pilipinong seaferers na maglayag sa mga lugar na tinukoy bilang high risk areas at war like zones.