Kinumpirma ngayong araw ng Department of Migrant Workers na lumubog na ang MV Tutor kung saan pinaniniwalaang naiwan ang nawawalang Pilipinong tripulante matapos ang pag-atake ng Houthi rebels sa naturang cargo ship.
Ayon kay Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac, huling namataan ang barko noong Hunyo 17 na napaulat na napadpad at lumubog sa eastern coast ng Eritrea sa may Red Sea.
Ibinahagi pa ng kalihim na noong Hunyo 18 nang bumalik ang salvage team para magsagawa ng search at salvaging operation sa MV Tutor, hindi na ito mahanap sa lugar.
Mayroon din aniyang nakitang tumagas na langis sa parehong tinatayang lokasyon ng lumubog na barko.
Una rito, nitong Miyerkules nang unang kumpirmahin ng UK Maritime Trade Operations na lumubog na ang MV Tutor.
Bunsod nito, patuloy pa ring nakaantabay ang DMW kaugnay sa posibleng paghahanap sa nawawalang tripulante base sa kung ano ang mangyayari o development sa mga susunod na araw.
Bagamat pahirapan ang isinasagawang paghahanap sa missing Pinoy sefarer, binigyang diin ng kalihim na hindi pa makumpirma sa ngayon kung nasawi ang naturang Pilipino hangga’t walang pang ebidensiya.
Tiniyak naman ng opisyal ang patuloy na pagbibigay ng kaukulang tulong para sa pamilya ng nawawalang Pinoy seafarer.