Nakikipagtulungan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Justice (DOJ) sa paghahanda nitong makasuhan ng illegal recruitment at human trafficking ang mga sangkot sa scam hub sa Laos upang matulungan ang mga Pilipinong biktima ng isang agency.
Ayon pa sa DMW, hinihintay nalang nila ang buong detalye ng pahayag ng mga biktima kapag nakauwi na aniya ito sa Pilipinas, bukod pa rito ay handa rin daw magpaabot ng tulong ang kanilang ahensya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, umabot naman na sa hindi bababa sa 129 na mga Pilipino ang humingi ng tulong mula sa gobyerno matapos ang crackdown sa mga ilegal na kumpanya na matatagpuan sa tinatawag na Golden Triangle Special Economic Zone (GTSEZ) sa Bokeo Province, Lao PDR.
Matatandaan na mahigit 700 banyagang mamamayan ang inaresto noong Agosto 12 sa GTSEZ,na kilala na sa mga ilegal na gawain, kabilang ang mga umano’y online scam operations at trafficking ng mga banyaga na naloko ng mga pekeng pangako ng lehitimong trabaho.
Kasunod nito, nagbigay ng babala si DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa publiko na huwag magpaloko sa mga unlicensed recruiters na nanghihikayat sa mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa sa Timog-Silangang Asya, tulad ng Laos.