Nagpaalala ang Department of Migrant Workers sa publiko lalo na sa mga Overseas Filipino Workers hinggil sa kumakalat na mga illegal recruitment at investment scams sa bansa.
Ito ay matapos lumaganap ang isyu na marami umano ang mga nabibiktima ng ganitong panloloko na sinasamantala ang pagnanais ng ilang mga kababayan na makapagtrabaho abroad.
Kaya naman ang secretary ng Department of Migrant Workers ay nag-abiso sa publiko na huwag pumatol sa mga nagsasabi na kayang maipadala kaagad sila sa ibang bansa.
Kasama sa naging paalala niya na iwasang magpadala na rin sa mga humihingi ng karampatang halaga kapalit ng pagtatatrabaho sa ibang bansa o marecruit lamang.
“Payo natin sa mga kababayan natin, huwag pumatol sa online recruitment kung pagduduhan yung kaharap na recruiter eh mas lalong pagdudahan yung hindi nakikita”, ani Department of Migrant Workers Secretary Atty. Hans Leo Cacdac
Gayunpaman, ipinagmalaki ni DMW Secretary Atty. Hans Leo Cacdac na marami silang naipasarang mga illegal recruiters.
Kasabay din nito ang kanilang paghabol sa mga mapagsamantala upang mapanagot sila sa hukuman.
Ngunit sa kabilang banda, sinabi ng naturang kalihim na hindi maikakaila na patuloy pa rin nilang kinakaharap ang isyung ito.
Sapagkat aniya, patuloy pa rin ang mga naitatalang kaso sa mga nabibiktima ng ganitong uri ng pangloloko lalo pa’t nauuso ang online illegal recruitments.
Sa usapin naman ng investment scams, inihayag ni Atty. Hans Leo Cacdac na pinagtutuunan din nila ito ng pansin.
Ibinahagi din niya na mayroon silang isinasagawang webinars hindi lamang upang maiwasan ang ganitong scam bagkus pati na rin sa mga nabiktima na.