Minomonitor na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers sa Japan matapos yanigin ng magnitude 6.0 na lindol ang Japan ngayong araw.
Sa isang advisory, sinabi ng DMW na inulat ng Migrant Workers Offices sa Tokyo (MWO-Tokyo) at Osaka (MWO-Osaka) sa Japan na ang episentro ng lindol ay sa may coastal area ng Fukushima Prefecture sa northeastern part ng Honshu, main island ng Japan.
Kaugnay nito, inactivate na ang mga protocols para ma-account ang estado at kaligtasan ng OFWs sa mga apektadong lugar.
Nakahanda rin ang mga tanggapan ng DMW sa Japan para tulungan ang OFWs sakaling kailanganin.
Sa kasalukuyan, wala pang iniuulat ang Japan authorities na nasugatan o nasawi kasunod ng tumamang malakas na lindol.