Nag-alok ang Department of Migrant Workers (DMW) ng tulong para sa mga overseas Filipino worker na nakansela ang flights sa Bacolod-Silay airport dahil sa pag-alburoto ng bulkang Kanlaon.
Kaugnay nito, inatasan na ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac ang tanggapan nito sa Region 6 at OWWA na magbigay ng tulong para sa mga inbound at outbound OFWs.
Ipinag-utos na rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kanselasyon ng lahat ng mga biyahe patungo at mula sa Bacolod-Silay airport dahil sa pag-alburuto ng bulkan nitong gabi ng Lunes.
Una rito, iniulat ng PHIVOLCS na tumagal ng 6 na minuto ang pag-alburuto ng bulkan na nagsimula dakong 6:51pm ng Lunes. Nagbuga din ito ng plumes o makapal na abo na 5,000 metro ang taas na sinundan ng malakas na volcanic-tectonic earthquake.