Nagbabala ang Department of Migrant Workers sa mga aspiring overseas Filipino worker laban sa mga walang prinsipyong indibidwal na nagkukubli sa labas ng mga opisina ng mga lisensyadong recruitment agencies na naghihintay ng mga potensyal na biktima.
Sa isang public advisory , binalaan ng DMW ang publiko laban sa mga umano’y scammers na target ang mga nag-aaplay para magtrabaho abroad sa pamamagitan ng mga local recruitment agencies.
Ayon sa DMW, ang ganitong interactions sa labas ng mga opisina ay bahagi ng modus ng mga scammer.
Sinabi nito na ang mga sinasabing scammers ay nagsisimula sa pamamagitan ng pag-imbita sa mga potensyal na biktima na kumain sa labas.
Dito ay hahantong naman sa pagpapalitan ng impormasyon at magpapanggap na itong dating empleyado ng isang recruitment firm.
Modus rin aniya ng mga scammer na magpadala ng mensahe sa biktima na nagsasabing magtungo sa tanggapan ng DMW para pirmahan ang kanyang working contract.
Gayunpaman, babalaan ng scammer ang aplikante laban sa pagdadala ng pera o iba pang personal na gamit sa loob ng lugar ng DMW.
Dahil dito, mapipilitan ang aplikante na iwan ang kanyang mga gamit sa kasabwat ng scammer at dito na papasok ang isang scam
Pinayuhan naman ang mga aspiring OFWs na sa halip na makipag-usap sa taong di kakilala ay makipag-ugnayan na lamang sa mga tauhan ng mga recruitment agencies.