Pinagiingat ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang maghit 70,000 na mga pekeng job postings ang kumakalat sa social media platforms.
Kung saan inalis ng ahensya ang mga naturang bilang ng mga naglipang mga fake job postings sa iba’t-ibang platform sa social media katulad ng Facebook at TikTok upang protektahan ang mga Pilipino mula sa mga mapanlinlang na alok ng trabaho at mga mapagsamantalang illegal recruiters na nagaalok ng pekeng trabaho sa ibang bansa.
Sa kabuuang bilang mayroong 71,653 na pekeng job posts ang tinanggal ng DMW, kabilang na ang 50,220 sa Facebook at 21,433 naman sa TikTok.
Kadalasan umano na ang mga pekeng post na ito ay inilalabas ng mga walang-awang tao na nagpapanggap aniya na lehitimong mga recruitment agency, na minsan pa nga raw ay kinokopya ang opisyal na mga pahina ng mga DMW-licensed agencies upang linlangin ang mga aplikante nito.
Bilang tugon, ang DMW ay nakikipagtulungan sa Facebook at TikTok upang agad alisin ang mga pekeng account na ito.
Hinihikayat ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho na maging maingat at tiyakin ang pagiging lehitimo ng mga alok na trabaho sa iba’t-ibang mga recruitment agencies.
Binanggit din niya na maaaring i-verify ng mga aplikante ang lehitimong mga recruitment agencies sa pamamagitan ng opisyal na website ng DMW.