Naghahanda na ngayon ang Department of Migrant Workers (DMW) ng isang chartered flight para maiuwi na sa bansa ang nasa 111 Filipino OFWs na nasa Lebanon.
Ayon kay DMW Assistant Secretary Bernard Olalia nasa proseso na ngayon ang ahensiya sa pakikipag-usap sa isang airline company para sa gagawing chartered flight at ang pagkuha ng landing rights at exit permits ng ating mga kabayan duon mula sa pamahalaan ng Lebanon.
Sa sandaling makuha na ang mga kaukulang dokumento at mayruon ng go signal susunduin na ang mga Pinoy OFWs na nais umuwi na ng bansa.
Ang 111 Filipino OFWs ay kasalukuyang nasa shelter na ng DMW.
Ayon kay Olalia nasa P25 million ang gagastusin ng gobyerno sa gagawing chartered flights mula Manila patungong Beirut, Lebanon at pabalik ng bansa.
Sinabi ni Olalia, kayang makapag accommodate ng 300 katao ang chartered flight pero hindi na aniya nila kailangang punuin ito, basta makakuha ng landing rights at exit permits ang ibang ofws ay paliliparin na ang eroplano para masundo ang ating mga kababayan sa Beirut.
Sakali naman aniyang lumala ang sitwasyon at isara ang air route o ang Paliparan sa Beirut, nakahanda na aniya ang iba pang paraan para mailigtas ang mga OFW.
Kabilang aniya rito ang paggamit ng barko para mailikas ang mga ofw patungo sa mas ligtas na lugar bago sila ilipad pauwi rito sa pilipinas, kaya nakikipag usap na rin aniya sila sa ilang maritime companies.
May nauna nang 15 mga OFWs ang naitakda na sana ang uwi rito sa pilipinas noong September 25 subalit nakansela dahil umatras ang airline company na bumiyahe dahil sa takot sa nangyayaring giyera.
Iniulat din ng Migrant Workers Office (MWO) sa Beirut panibagong pagsabog nitong weekend sa Dahieh malapit mismo sa MWO kung saan nanunuluyan ang 63 OFWs.
Walang Pinoy ang naiulat na nasagutan sa nangyaring pag-atake.
Inilipat na sa ngayon ang mga Pinoy sa isang hotel sa Beit Mery sa Lebanon bilang kanilang temporary shelter.
Ang pagkansela sa mga outbound flights ng ilang major airlines dahil sa mga pagsabog sa Beirut ang dahilan ng repatriation sa 15 OFWs na nakatakda sanang umalis nuong September 25, 2024.
Pinatitiyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang tulong para sa mga OFWs.
Siniguro naman ni Olalia na kasado na rin ang ipatutupad na contingency plan upang matiyak ang welfare and safety ng OFWs sa Lebanon.