-- Advertisements --
jullebee

Naghain na ng mga kaso ang Department of Migrant Workers (DMW) laban sa employer ng napaslang na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na si Jullebee Ranara.

Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na nag-isyu na ng direktiba ang ahensiya para sa preventive suspension ng employer ni Ranara.

Ibig sabihin, hindi na maaaring mag-hire ang naturang Kuwaiti employer ng OFWs kailanman.

Nakatakda ding maghain ng kaso ang DMW laban sa recruitment agencies ni Ranara.

Matapos aniya ang pagsiyasat sa mga ilang impormasyon sa susunod na linggo, maghahain ng recruitment violation case laban sa mga sangkot na Philippine recruitment agency (PRA) at foreign recruitment agency (FRA).

Matapos nga ang karumal-dumal na pagpaslang kay Ranara, magsasagawa ang DMW ng pagpupulong kasama ang lahat ng local recruitment agencies na magdedeploy ng household services workers sa Kuwait upang talakayin ang mga isyu at concerns kaugnay sa deployment sa naturang bansa.