-- Advertisements --

Nagsagawa na nitong araw ng Biyernes, Enero 24, ang Department of Migrant Workers ng dayalogo kasama ang Philippine recruitment agencies.

Ang pagsisikap na ginagawa ng ahensya ay upang protektahan at alagaan ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), lalo na ang mga ipinapadala sa Kuwait at Saudi Arabia.

Ang ginawang konsultasyon ay hakbang ng DMW upang palakasin ang pag-monitor, ipatupad ang mas maayos na mga terms of contract, at tiyakin ang pananagutan ng mga recruitment agencies pati na rin ng kanilang mga foreign counterparts.

Ilan sa mga pangunahing isyung tinalakay pa ay ang pag-monitor sa mga manggagawa sa kanilang mga trabaho, pagpapabuti ng mga terms ng mga kontrata sa mga employer nito sa pamamagitan ng mga malinaw na job description, at pagbabawas ng haba ng taon ng kontrata mula sa dalawang taon patungong isang taon na lamang.

Paliwanag ng ahensya ito aniya ay upang itaas ang sahod ng mga domestic workers at isama ang kanilang mga pamilya sa mga pre-departure seminar na mahalagang hakbang umano patungo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa at ang mga posibleng panganib na kanilang maaaring kaharapin.

Binigyang diin pa ng DMW na ang pangunahing layunin ng paggawa ng mga polisiya ay hindi lamang upang maglatag ng mga alituntunin, kundi upang tiyakin na ang mga ito ay epektibong naisasakatuparan para sa karapatan at kapakanan ng mga OFW.

Kaakibat ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang malinaw na pagtutok sa kaligtasan ng mga OFWs, lalo na ang mga pinaka-mahina, ay dapat isa-prayoridad.

Ang prosesong ito ng konsultasyon, kung saan ang mga stakeholder tulad ng Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI) at ang Coalition of Licensed Recruitment Agencies for Domestic and Service Workers (CLADS) ay nagbigay ng kanilang kontribusyon, para sa patuloy na pagpapabuti ng mga polisiya ukol sa pag-deploy ng mga OFW.

Samantala ang DMW naman ay may mga konkretong suhestiyon na maaaring magpatupad ng mas mahigpit na mga hakbang upang maiwasan ang pagsasamantala at pang-aabuso sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.