Naka-monitor ngayon ang Department of Migrant Workers sa sitwasyon ng Overseas Filipino Workers na nasa Taiwan kasunod ng pagtama ng malakas na lindol sa naturang isla nitong umaga ng Miyerkules.
Base sa 3 Migrant Workers Office (MWOs) ng DMW sa Taiwan, agad na in-activate ang kanilang mga protocol sa mga Filipino community leaders at kaugnay na ahensiya ng gobyerno ng Taiwan gayundin ang mga employer at trade association para matiyak ang kaligtasan at estado ng ating kababayang OFWs na nakabase sa Taiwan.
Naghahanda na rin ang Taiwan MWOs para mamahagi ng agarang tulong para sa mga posibleng apektadong OFWs dahil sa lindol kung kinakailangan.
Sa datos naman ng ahensiya noong Disyembre 2023, mayroong kabuuang 67,475 Overseas Filipino Workers ang nasa Taiwan.
Una rito, lumalabas sa ulat ng Taiwan Central Weather Administration, tumama ang magnitude 7.2 na lindol dakong 7:58 ng umaga na mayroong episentro na 25 kilometers timog-silangan ng Hualien county.