-- Advertisements --

Nakaalerto at nakahanda ang Department of Migrant Workers (DMW) na i-activate ang contingency plan para matulungan ang overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan sa gitna ng posibleng pagsalakay ng China sa naturang teritoryo.

Sa isang statement, inihayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na masusi nilang sinusubaybayan ang sitwasyon sa Taiwan sa pakikipag-ugnayan ng kanilang ahensiya sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) at Migrant Workers Offices sa Taiwan.

Sa parte ng DMW sa Pilipinas, nananatili itong alerto at nakahanda para matiyak ang kaligtasan at proteksiyon ng mga Pilipinong nasa Taiwan.

Hinihikayat naman ng ahensiya ang OFWs at kanilang mga pamilya na manatiling kalmado at manatiling informed sa pamamagitan ng mga official government channels.

Ginawa ng DMW chief ang pahayag ilang araw matapos himukin ni AFP chief of Staff Romeo Brawner Jr. ang mga sundalo na maghanda gaya ng posibleng invasion sa Taiwan sa gitna ng kinakaharap ng isla na tumataas pang tensiyon dahil sa patuloy na agresyon ng China na patuloy na inaangkin ang Taiwan bilang parte ng kanilang teritoryo.