-- Advertisements --

Nakatuon ang Department of Migrant Workers (DMW), sa paghahanap ng katarungan para sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jenny Alvarado, na pumanaw umano dahil sa pagkasuffocate sa Kuwait.

Binanggit ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang DMW ay magsasagawa ng mga hakbang batay sa mga prinsipyong legal at mga scientific evidence na mayroon ang ahensya, partikular na ang resulta ng autopsy ni Alvarado na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).

Makakatulong aniya ito upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang kamatayan at malaman kung mayroong kapabayaan mula sa kanyang employer.

Tinutukoy din ng imbestigasyon kung nabigbigyan ba ng ng tamang pagtrato ng kaniyang employer si Alvarado lalo na sa malamig na panahon ng winter sa Kuwait, na maaaring naging dahilan ng kanyang pagkakasuffocate. Binanggit pa ni Cacdac na itutuloy nila ang kaso ayon sa mga legal na proseso at resulta ng imbestigasyon.

Kamakailan bumisita si Secretary Cacdac sa burol ni Alvarado sa Rodriguez, Rizal, upang magbigay ng update sa pamilya nito ukol sa patuloy na imbestigasyon at suportang pinansiyal ng gobyerno. Tinitiyak rin ng ahensya ang patuloy na pagsuporta sa limang anak ni Alvarado, partikular sa kanilang edukasyon, sa pakikipagtulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Samantala, sa isyu ng maling paghawak sa mga labi ni Alvarado, inutusan na ni Cacdac ang kanilang mga abogado sa Kuwait na imbestigahan ang service provider na responsable sa pagkakamali at maghanap ng posibleng kabayaran.

Nakatakda naman magsagawa ng pagdinig ang Senado tungkol sa kaso ni Alvarado sa Martes, Enero 21, kung saan dadalo si Cacdac, at mga opisyal ng DMW at OWWA, pati na rin ang mga kinatawan mula sa NBI upang magbigay ng mga update sa imbestigasyon.