-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers sa pamamagitan ng Migrant Workers Office nito sa Osaka at Tokyo sa mga employer at kumpanya sa Ehime at Kochi prefectures sa Japan upang alamin ang kalagayan at kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) .

Ito ay matapos yanigin ng 6.6-magnitude na lindol ang dalawang prefectures sa western Japan bandang 11:14 p.m. noong Miyerkules, Abril 17, 2024.

Naglabas ng advisory No. 04-2024 ang MWO-Osaka ngayong araw, na nagpapaalala sa mga Supervising Organization at Principals na i-monitor ang kalagayan ng mga OFW sa kanilang mga nasasakupan at iulat ang anumang mga insidente na kinasasangkutan ng mga manggagawang Pilipino na maaaring sanhi ng lindol.

Sa initial assesment,walang ulat ng mga pinsala o pagkamatay na kinasasangkutan ng ating mga OFW. Gayunpaman, ang MWOs Tokyo at Osaka ay magpapatuloy sa pagsubaybay sa sitwasyon at makikipagtulungan sa Consulate General sa Osaka at sa Philippine Embassy sa Tokyo.

Iniulat ng Japan Meteorological Agency (JMA) ang episentro ng lindol sa Bungo Suido channel, timog ng Osaka. Hindi naman nagdulot ng tsunami ang lindol. Na-detect ang mga pagyanig na magnitude 1 hanggang 4 sa palibot ng rehiyon ng Shikoku, Kyushu, at Chugoku sa timog-kanluran ng Honshu, at sa pangunahing isla ng Japan.

Maglalabas din ng karagdagang update sa mga susunod na araw ang DMW Head Office kaugnay sa kalagayan ng mga OFW.