-- Advertisements --

Nananawagan si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na manatiling kalmado at mag-ingat sa paggawa ng mga desisyong pinansyal para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya.

Ayon pa sa kalihim nauunawaan nito ang hirap ng mga ginagawa ng mga OFWs dahil ang mga magulang din daw niya ay naging OFW din upang matustusan lang ang kanilang pangangailangan.

Ginawa ni Cacdac ang pahayag kasunod ng lumalaking panawagan na itigil ang pagpapadala ng remittance sa Pilipinas at sa kanilang mga pamilya ng mga tagasuporta ng dating Pangulo Rodrigo Duterte bilang protesta sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC).

Ayon pa sa kalihim ang mga remittance ay mahalaga para sa pinansyal na pangangailangan ng kanilang mga pamilya ngunit kabalikat din aniya nito ang pagiging maingat at mahinahon sa paggastos.

Samantala, tiniyak ni Sec. Cacdac sa mga OFWs na patuloy ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay ng tulong pinansyal at pangkabuhayan sa pamamagitan ng mga programa ng Department of Migrant Workers (DMW), partikular na para sa mga nasa mahirap na kalagayan.