Tinututukan ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga ksalukuyang lagay at sitwasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) na apektado ng 7.7 magnitude na lindol sa Myanmar at ng 6.4 magnitude sa Thailand.
Sa pahayag na inilabas ng DMW, tiniyak ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na patuloy silang nakikipagugnayan sa mga opisyal at personel ng Philippine Embassy sa mga naturang bansa para makapagpaabot ng tulong na siyang kakailanganin ng mga apektadong OFW’s.
Nanawagan din ang kalihim sa publiko na magalay ng panalangin sa mga kababayang nasa mga bansang ito lalo na para sa apat na Pilipinong patuloy na nawawala sa Mandalay, Myanmar na siyang sentro ng lindol.
Ani Cacdac, nagpapatuloy ang mga otoridad na hanapin ang apat na indibidwal at inihayag na ang mga dalangin mula sa publiko ay malaking bagay para sa kaligtasan ng mga naturang indibidwal.
Sa ngayon, hiniling din ng kalihim na huwag na muna isapubliko ang mga pagkakakilanlan ng mga mising OFW’s dahil sa nananatiling nasa proseso pa ang pamahalaan na ipagbigay-alam sa mga pamilya ng mga ito ang kanilang kasalukuyang estado.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Cacdac na hindi titigil ang mga otoridad sa pagsasagawa ng search and rescue operations hanggat hindi nakukumpirma ang kanilang kaligtasan.
Samantala, pagtitiyak ni Cacdac, patuloy ang kanilang isinasagawang mga hakbang para sa repatriation ng mga biktima ng human trafficking sa Myanmar.