Nanindigan ang Department of Migrant Workers (DMW) na hindi pa rin papayagan ang mga first-time Overseas Filipino Workers (OFW) na mai-deploy sa Kuwait.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, mahalagang bigyan muna ng pagkakataon ang naturang polisiya upang matukoy kung gaano ito ka-epektibo.
Unang nilimitahan ng namayapang kalihim ng DMW na si Secretary Susan Ople ang deployment ng mga OFW sa Kuwait kasunod ng kontrobersyal na pamamaslang sa domestic helper na si Jullebee Ranara.
Bilang sagot ay sinuspinde ng Kuwaiti government ang paglalabas ng visa para sa mga Pinoy worker. Nangyari ito noong unang bahagi ng 2023. Gayunpaman, tuluyan ding itong inalis ngunit tanging ang mga OFW na may karanasan lamang ang pinayagang makapunta sa Kuwait.
Sa kabila ng limitasyon, nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga OFW sa Kuwait, ayon kay Sec. Cacdac.
Batay kasi sa datos ng DMW, mayroong 2,500 Pinoy workers na naroon.
Nanindigan naman si Cacdac na magtatagal pa ang polisiya at posibleng abutin pa ng isang taon o higit pa bago tuluyang tanggalin.
Ang kalagayan ng mahigit 2,500 OFW na naroon sa naturang bans ayon sa kalihim, ay kasalukuyan ding minomonitor.