Muling rerepasuhin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang umiiral na bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa karumaldumal na pagkamatay ng kababayan nating overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara sa kamay ng anak ng kaniyang mga amo sa Kuwait.
Ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, ipinag-utos ito ni DMW Secretary Susan Ople dahil napapanahon na aniyang muling pag-aralan ang kasunduan ng dalawang bansa.
Bukod dito ay pinatitingnan din aniya ng kalihim ang mga recruitment process at standard ng recruitment agencies sa bansa para matiyak at mapaigting pa ang proteksyon at seguridad ng ating mga kababayang OFWs.
“Ang direktiba ni Secretary [Susan “Toots” Ople] ay napapanahon nang irepaso, to revisit, review itong bilateral labor agreement na ito at paigtingin ang proteksiyon sa mga OFWs,” ani DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac
“At sabay nito ay pinatitingnan din ni Secretary Toots iyong recruitment standards para paigtingin iyong safe and ethical recruitments standards para sa mga OFWs to Kuwait na masiguro natin, halimbawa, iyong mga agencies with clean track records lamang ang makakapag-deploy ng mga OFWs to Kuwait,”
Una rito ay naglabas na ng preventive suspension ang DMW laban sa employer ni Ranara.
Kung maaalala, noong Enero 2020 ay inaprubahan ng pamahalaan ang total deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng Pinay migrant worker na Jeanelyn Villavende ngunit pagsapit naman ng Pebrero 2020 ay napawalang bisa ito.