Walang patid ang Department of Migrant Workers sa pagsasagawa ng operasyon para mapigilan ang mga illegal travel agency na nag ooperate sa bansa at bumibiktima sa mga inosenteng Pilipino.
Kung maaalala, kamakailan lamang ay ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel agency sa Initao, Misamis Oriental.
Nadiskubre kasi ng ahensya na ang naturang firm ay ilegal na nagre-recruit ng mga manggagawa para sa mga trabaho sa ibang bansa.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng DMW na isinara nito ang Jonieza Joy Travel & Tours Agency & Consultancy noong Martes.
Ito bilang resulta ng serye ng surveillance operations na isinagawa ng tanggapan nito sa Northern Mindanao.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ang hakbang na ito ay patunay lamang na seryoso ang gobyerno para protektahan ang mga OFWs laban sa mga illegal recruiters.
Sinabi ng DMW na ang travel agency ay napag-alamang ilegal na nagre-recruit ng mga Filipino worker para sa deployment sa Poland, Czech Republic, Lithuania, Romania, Croatia, Malta, Greece, Canada, United Kingdom, United Arab Emirates, at Kingdom of Saudi Arabia.
Kabilang sa mga trabaho na ilegal nitong iniaalok ay welders, electrician, locksmiths, greenhouse workers, warehouse workers, cleaners, drivers, factory workers, construction workers, plumbers, service crew, cook, restaurant manager, food attendant, hotel workers, waiters/waitresses, caregivers, at nursing assistants.
Nag-aalok umano ito ng P35,000 to P40,000 na sahod bukod pa ang mga makukuhang bonus, night shift differential, free medical exam, at food allocations.
Naniningil rin ito ng P190,000 to P230,000 bilang processing at placement fees.