Tiniyak ng Department of Migrant Workers na magpapatuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga operasyon upang maipasara ang mga ilegal travel agency sa bansa.
Karamihan kasi sa mga ito ay sangkot sa ilegal na pagrerecruit ng mga Pilipinong gustong magtrabaho sa ibang bansa.
Kaugnay nito ay matagumpay na ipinasara ng ahensya ang isang travel agency na nag aalok ng trabaho sa bansang Bulgaria.
Ang hakbang na ito ng ahensya ay batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking mapoprotektahan ang lahat ng mga OFWs laban sa mga sindikato.
Ayon sa DMW, ang ipinasara nilang Yatra Travel & Tours sa New Barrio Pampanga, San Fernando City ay iligal na nag-aalok ng trabaho patungo sa Bulgaria kapalit ng malaking sahod.
Tumataginting na ₱90,000 hanggang ₱110,000 ang alok nitong buwanang sahod .
Humihingi umano ang naturang travel agency ng ₱400,000 hanggang ₱500,000 kada recruit para sa processing fee habang ₱50,000 naman para sa downpayment.
Nailagay na rin sa blacklist ang mga pangalan ng personalidad na nasa likod ng Yatra Travel.