Pinag-aaralan na ng Department of Migrant Workers ang kasalukuyang polisiya sa deployment ng mga Pilipinong seafarer sa mga barko na naglalayag sa Red Sea na tinatarget ng Houthi rebels simula noong nakalipas na taon.
Ito ay kasunod ng pag-atake ng rebeldeng Houthis sa MV Tutor noong Miyerkules kung saan nasa 22 Pinoy seafarers ang nakasampa sa barko.
Ito na rin ang ikatlong barko na mayroong mga sakay na Pilipinong tripulante na inatake ng Houthi rebels.
Ipinaliwanag naman ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac na bagamat inatasan na ng gobyerno ng Pilipinas ang mga barko na may lulang Pilipinong seafarers na mag-divert ng mga ruta palayo sa mga high-risk zones na inaatake ng rebeldeng grupo, kasalukuyan pa umanong pinag-aaralan ng mga awtoridad ang political at security considerations sa naturang usapin.
Samantala, sinabi ni Sec. Cacdac na may karapatang tumanggi ang mga Pilipino seafarer na maglayag kapag batid nitong maglalayag ang barko sa mga mapanganib na karagatan tulad ng Red Sea.