Pinag-aaralan na ang kasong maaaring isampa laban sa service provider sa likod ng maling labi ng OFW na si Jenny Alvarado na naiuwi sa Pilipinas.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, pinatitignan na ng ahensiya sa mga abogado sa Kuwait kung ano ang isasampa para sa posibleng pananagutan ng service provider para magkaroon ng kalinawan at kompensasyon sa nangyari.
Ayon sa kalihim, sumulat ang service provider sa DMW kung saan ipinaliwanag nito na itinurn-over ng Kuwaiti authorities sa kaniya ang labi ni Alvarado at sila din aniya ang naglagay ng label sa labi ng Pinay worker kayat wala umanong ibang paraan para matukoy ang labi maliban sa pangalang nakalagay dahil wala ding pamilya na naroon para makumpirma ang pagkakakilanlan ng labi ng Pinay.
Inihayag din ng kalihim na pagdating naman sa employer ng nasawing Pinay, kanila ding titignan kung nagkaroon ng negligence o pagpapabaya.
Samantala, personal naman na pinuntahan ng kalihim ang naulilang pamilya ni Alvarado at humingi ng paumanhin sa nangyari at inako ang buong pananagutan.
Matatandaan na natagpuang patay si Alvarado kasama ang 2 iba pa niyang katrabahong dayuhan sa loob ng isang bahay bakasyunan ng kaniyang Kuwaiti employer.
Lumalabas sa imbestigasyon ng local authorities sa Kuwait na nasawi ang 3 sa cold smoke inhalation subalit nagsasagawa na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng autopsy sa labi ni Alvarado upang matukoy kung may foul play sa pagkamatay ng Pinay worker.