Inihayag ng Department of Migrant Workers na kanila ng pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaso sa lisensyadong manning agency ng nagbanggaang barko sa North Sea na lulan ang ilang Filipino seafarers.
Pinag-hahandaan na umano ng kagawaran ang mga posible nitong maging ligal na hakbang lalo pa’t patuloy ang kanilang pag-antabay sa resolusyon ng imbestigasyon.
Maalala sa naganap na kolisyon ng barkong MV Solong na sakay nito ang 9 na Pilipinong manggagawa, walo ang nakaligtas habang ang isa naman ay bigong matagpuan.
Ayon kay Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers, napag-alaman nilang mayroon ng mga ulat na nagsasabing may naging kapabayaan umano ang kapitan ng barko sa ngayon.
Kaya naman, tiniyak ng naturang kalihim ang kanilang mga susunod na gagawing aksyon sa oras na mapatunayan ang kapabayaang ito ng naturang barko.
‘Yes, yes definitely, we’re looking into the legal ramifications of this. May mga lumalabas na balita na may negligence on the part of the captain so we’re carefully looking into this and definitely legal action will be forthcoming if our lawyers do find na talagang kailangang magsampa ng kaso,’ ani Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrany Workers.
Samantala, ibinahagi naman ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na kanila ng inaantabayanan ang pag-uwi ng mga nasagip na walong Pilipinong seafarer ngayong linggo.
Inaasikaso na rin ang paghahatid ng tulong sa mga ito kasabay ng kanilang pagseguro na mayroon silang matatanggap na financial assistance mula sa ‘aksyon fund’ ng kagawaran.
Habang ang pamilya naman ng bigong makauwing seafarer ay humiling na huwag muna isapubliko ang ngalan ng kanilang kaanak at gawing pribado muna ang pagkakakilanlan nito.