-- Advertisements --
Pamunuan ng DMW at MWPB nagtulong para sa pagpapasara ng isang learning center na nagaalok ng pekeng trabaho. SOURCE: DMW official FB page

Pinangunahan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang pagpapasara ng Hikari Japanese Learning Center Corp. nitong Huwebes, Peb. 6, upang maprotektahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa mapagsamantalang illegal recruiter na nagsasamantala sa kahinaan ng mga Filipino job seekers.

Alinsunod narin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang mga OFW.

Nakipag-coordinate ang Department of Migrant Workers, sa pamamagitan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), sa mga lokal na pamahalaan at mga pulis upang ipasara ang mga main office ng naturang learning center sa bansa kagaya ng matatagpuan sa Panabo City, Davao del Norte, pati na rin ang mga branches nito sa Manila City, Rosario, Cavite, Davao City, at General Santos City.

‘Ang pagsasara ng learning center na ito ay bahagi ng aming pinaigting na kampanya laban sa ilegal na recruitment, alinsunod sa mga direktiba ng Pangulo. Muling ipinapaabot namin ang babala sa ating mga Kababayan, lalo na sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa—huwag makipag-ugnayan sa mga recruiting entities na walang lisensya o pahintulot mula sa DMW upang mag-recruit at mag-deploy ng mga manggagawa para sa mga trabaho sa ibang bansa,’ pahayag ni Cacdac.

Ayon sa DMW nag-aalok ng iba’t-ibang trabaho sa Japan sa ilalim ng Technical Internship Training Program (TITP) at Specified Skilled Worker Program (SSWP) ang pinasarang learning center kung saan nagaalok umano ng trabaho sa hotel at restaurant, food processing, caregiving, farmers, at paggawa ng mga pagkain at mga inumin.

Ayon sa mga ulat ng surveillance mula sa MWPB, ang Hikari umano ay nang hihikayat ang mga aplikante na mag-enroll sa kanilang apat na buwang language training na may bayad na P33,710, na maaaring magbayad gamit ang installment. Matapos aniya makapagtapos sa naturang learning center ang mga aplikante na pumasa sa JFT/JLPT N4 at PROMETRIC Specified Skilled Worker Tests sa mga partner agency ng Hikari para sa screening ng kanilang papasukang trabaho.

Samantala mahaharap ang Hikari sa mga kasong may kinalaman sa illegal recruitment, at ang lahat ng mga opisyal nito ay isasama ng ahensya sa ”List of Persons and Establishments with Derogatory Record”. Sila rin ay permanenteng hindi papayagang makilahok sa programa ng gobyerno para sa overseas recruitment.

Hinihikayat naman ng ahensya ang mga biktima ng Hikari na makipag-ugnayan sa MWPB para sa mga nais maghain ng kaso laban sa learning center ipagbigay lamang sa kanilang mga social media platform na https://www.facebook.com/dmwairtip, email: mwpb@dmw.gov.ph, o maaaring tumawag sa kanilang tanggapan na +63 2 8721-0619.