-- Advertisements --

Hinikayat ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na isumbong sa ahensiya ang mga nararanasang problema sa mga accommodation houses.

Kadalasan kasi namamalagi muna ang mga OFW sa mga accommodation houses habang hinihintay nila ang kanilang deployment sa pupuntahang bansa.

Ginawa ng DMW ang paalala kasunod ng inilabas na reklamo ng sampung prospective OFW ukol sa umano’y hindi maayos na living condition at welfare status sa kanilang pansamantalang tinitirhan na accommodation house sa Las Piñas City.

Ang mga naturang aplikante umano ay pinagbabawalang lumabas upang bumili ng pagkain o tumanggap ng mga family visits.

Ayon sa DMW, hindi dapat hinahayaan ng mga aplikante o mga OFW na gawin sa kanila ito ng mga accommodation house o mga agency dahil ito ay malinaw na paglabag sa human rights.

Tinitiyak din ng ahensiya ang tulong at suporta sa mga ito, oras na piliin nilang magsumbong o ireklamo ang hindi-makataong pagtrato sa kanila.

Samantala, una na ring tinulungan ng DMW ang mga nagreklamong OFWs at dinala sa isang shelter sa Mandaluyong City habang nagpapatuloy na ang case build up sa tulong ng PNP.