Planong palawigin ng Department of Migrant Workers ang kasalukuyang Overseas Filipino Workers Hospital sa iba’t ibang panig pa ng bansa.
Matapos maitayo ang naunang ospital sa San Fernando, Pampanga, nais ng kagawaran na madagdagan ito sa mas marami pang mga lugar.
Sa isang panayam, sinabi mismo ni Secretary Hans Leo Cacdac, ang kalihim ng Department of Migrant Workers, plano nilang magkaroon pa ng mga units o branches ang naturang ospital bukod sa naipatayo sa Pampanga.
Aniya, tinitingnan din nila ang nationwide expansion nito na ihahalintulad sa mga clinic set-ups na nakakalat sa mga malls sa bansa.
‘Gusto rin namin palawigin yung OFW Hospital para hindi lang siya sa San Fernando, Pampanga. So we intend to develop branches so to speak, or units. You know how clinics are set up in malls? Parang ganun, hospitals or clinics set up in malls, parang ganun nationwide,’ ani Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW).
Dagdag pa rito, ipinagmalaki naman ng naturang kalihim ang dami ng mga napagserbisyuhang pasyente ng ospital.
Kung saan ibinahagi ni Secretary Cacdac na umabot ito sa higit 80,000 pasyente ang nabigyan ng kaukulang medikal na pangangailangan.
‘Around 86,000 in-patient, outpatient ang nasilbihan sa OFW hospital sa San Fernando, Pampanga … We administered more positions… so I administered the oath of 200 nurses, doctors, medical staff, regular plantilla items sa OFW Hospital,’ pahayag pa ni Secretary Hans Leo Cacdac ng DMW.
Samantala, paglilinaw naman ng kasalukuyang kalihim ng Department of Migrant Workers na bukas ang Overseas Filipino Workers Hospital hindi lamang sa mga nagtatrabaho abroad kundi pati na rin sa mga pamilya nito.
Maging ang mga dating trabahador sa ibang bansa o former OFW’s ay covered din umano sa serbisyong ibinibigay ng naturang kagawaran.