Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sapat na tulong na ipapaabot sa pamilya ng Pinoy worker na binitay sa Saudi Arabia.
Sa isang panayam, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na lahat ng tulong na kakailanganin ng pamilya ay ibibigay ng pamahalaan.
Ayon kay Cacdac, bumisita na rin ang DMW sa pamilya ng hindi na pinangalanang Pinoy at ipinabatid ang nangyari sa kanilang kaanak.
Sa pagbisita ng DMW, sinabi ni Cacdac na agad silang nagpaabot ng suporta sa pamilya at inalam ang pangangailangan ng mga ito.
Bagaman hindi na idinetalye ng kalihim, tiniyak nitong nakahanda ang suporta ng gobierno para sa pamilya ng biktima.
Ngayong araw(Oct. 8) ay kinumpirma ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega ang pagbitay sa Pinoy worker na nahaharap sa kasong murder sa bansang Saudi Arabia.
Giit ng DFA, ginawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya, kasama na ang mga legal remedy upang mapigilan ang parusang kamatayan laban sa OFW ngunit mabigat ang ebidensiyang iprinisenta laban sa mangagawang Pinoy.