Bibiyahe muli papuntang Saudi Arabia si Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac upang magsagawa ng follow-up sa hindi pa naibibigay na claims ng mga Pilipinong manggagawa na unang nagtrabaho sa naturang bansa.
Maalalang nawalan ng trabaho ang 10,000 OFW sa Saudi noong 2015 matapos ma-bankrupt ang pinapasukan nilang mga construction companies.
Ang mga sahod at iba pang claims ng mga OFWs ay hindi pa naibibigay sa mga mangagawa, sa kabila ng halos sampung taon na nilang pagbabalik sa Pilipinas.
Ayon kay Sec. Cacdac, kailangang tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Saudi para mabawi o maibigay na ang sahod at claims ng mga mangagawang Pinoy.
Nauna na rin aniyang tiniyak sa kanya ng pamahalaan ng Saudi na mayroon itong pondo para bayaran ang mga claims.
Sa ngayon ay mayroon na ring 1,500 OFW na nakakuha ng kanilang benepisyo mula sa nagsarang kumpanya habang patuloy pa rin ang follow-up sa mga hindi pa naibibigay.