Sinalubong ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers, kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno ang first batch ng repatriation sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na biktima ng iligal na gawain sa bansang Myanmar.
Dumating ang eroplanong may lulan sa mga repatriated OFWs sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw.
Kung saan ligtas naihatid pabalik dito sa Pilipinas ang nasa 30 Pilipinong manggagawa na sinasabing nabiktima ng human trafficking at illegal recruitment sa kanilang trabaho abroad.
Sa isang ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Undersecretary Bernard P. Olalia, undersecretary ng Department of Migrant Workers, sinabi niya na ang mga ito ay ginamit bilang trabahador sa pang-i-scam na una’y hindi naman talaga nila gusto.
Dagdag niya, ang 30 Pilipinong manggagawa na nakauwi rito sa Pilipinas ay paunang batch pa lamang sa mas maraming mga OFWs na kanilang inaantabayanang makabalik.
‘Kaninang umaga po dumating ang 30 repatriated OFWs po natin galing Thailand. Sila po ay biktima ng tinatawag nating human trafficking. So ito yung first batch, meron pang malaking grupo na parating bukas… Sila po ay sinalubong ng mga representative ng different agencies ng government,’ ani Undersecretary Bernard P. Olalia ng Department of Migrant Workers (DMW).
Dahil dito tiniyak ng Department of Migrant Workers ang kanilang tulong na ibibigay sa mga repatriated Overseas Filipino Workers sa pagbalik at pagpapatuloy ng kani-kanilang mga buhay sa Pilipinas.
Ayon kay Undersecretary Bernard P. Olalia, makatatanggap ng 50,000 Pesos ang mga ito bilang financial assistance matapos makaranas ng hindi maganda sa ibang bansa.
Aniya, mula ito sa AKSYON fund ng kagawaran na nakalaan lalo na sa pagbibigay asiste sa mga Pilipinong manggawa na nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.