-- Advertisements --
viber image 2023 01 24 11 21 28 807 1

Tinitingnan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang posibleng pananagutan ng recruitment agency ng 35-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang patay at sunog ang katawan sa Kuwait.

Ayon kay Department of Migrant Workers Undersecretary Hans Leo Cacdac, tinitingnan ng departamento kung maayos na namonitor ng ahensya ang biktimang si Julleebee Ranara kasunod ng kanyang pag-deploy sa Kuwait.

Aniya, sa ilalim ng mga panuntunan ng ahensya, ang isang recruiter ay dapat magkaroon ng monitoring at regular na pag-uulat sa kalagayan ng isang Overseas Filipino Workers lalo na ang mga kasambahay.

Sinabi ni Cacdac na walang record si Ranara o ang kanyang recruiter na nag-ular na walang anumang mga isyu sa kanyang employer sa mga awtoridad.

Kung matatandaan, natagpuan ang nasunog na bangkay ni Ranara sa gitna ng disyerto noong Linggo na kung saan siya ay iniulat na ginahasa ng 17-anyos na anak ng kanyang amo.

Dalawang beses din umanong binugbog at nasagasaan ng kotse ng suspek ang biktima at sa ngayon nasa kustodiya na ng pulisya ang naturang suspek.

Sa kasalukuyan, naghihintay pa ang Department of Migrant Workers ng opisyal na ulat mula sa Office of the Prosecutor doon sa Kuwait.