-- Advertisements --

Makakatanggap ng tig P150,000.00 pinansiyal na tulong ang mga Filipino sa Lebanon na boluntaryong magpa-repatriate pabalik ng bansa kasunod ng tensiyon sa nasabing bansa.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, dinoble nila ang ayuda para sa mga Filipinong repatriates kasunod ng direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na repasuhin ang financial rates.

Sinabi ni Cacdac na ang cash assistance na ibibigay ng gobyerno sa mga repatriates ay mula sa DMW at OWWA kung saan tig P75,000 ang mga ito.

Kinumpirma din ni Cacdac na bago magtapos ang linggong ito nakatakdang dumating sa bansa ang nasa 45 Filipino repatriates.

Kasalukuyang sumasailalim sa Lebanese procedures ang mga ito.

Una ng inihayag ni Cacdac na nasa 1,000 mga Filipino sa Lebanon ang nagpahayag ng interes na i-avail ang repatriation.

Sa ngayon mahigpit na mino-monitor ng DMW ang nasa 100 Filipino na nasa siyudad ng southern Lebanon.

Nilinaw naman ni Cacdac na sakop din sa pinansiyal na tulong ang mga undocumented Filipinos.

Pagdating sa bansa, sasailalim ang mga ito sa physical check-up at psychosocial counselling na ibibigay ng DOH sa kanilang pagdating.