Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang buong suporta para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nahaharap sa mga kasong kriminal o pag-aresto sa ibang bansa, kabilang na ang legal at welfare assistance sa ilalim ng AKSYON Fund.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakahanda ang gobyerno na tumugon sa anumang sitwasyon ng OFWs sa abroad, lalo na kung may kaso o kinakaharap na pagsubok sa batas.
Kabilang sa tulong ang pagbibigay ng abogado, jail visits, at iba pang kinakailangang suporta upang mapanatili ang kalagayan ng OFW habang nasa kustodiya.
Ibinida rin ng kalihim ang naging tagumpay ng administrasyon sa pagkaka-dismiss ng kaso laban sa 17 OFWs na ikinulong sa Qatar dahil sa umano’y illegal assembly.
Sa pagdinig ng Senado noong Abril 10, nagpahayag ng pag-aalala si Senador Imee Marcos ukol sa proteksyon ng OFWs sa harap ng mga kasong kriminal—kaugnay rin ng naging mainit na usapin sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang AKSYON Fund ay dagdag sa Legal Assistance Fund (LAF) na itinatag sa ilalim ng RA 8042 (Migrant Workers Act), at layuning tiyakin na may sapat na legal na suporta ang mga OFWs sa panahon ng krisis.
Ayon pa kay Cacdac, kasalukuyan ay may higit 1,198 kaso ng mga OFW na tinutulungan ng mga abogado ng DMW. Sa ilang bansa, may mga kasunduan na nagpapahintulot sa mga sentensyado na makauwi ng Pilipinas upang dito ipagpatuloy ang kanilang sentensiya.
Dagdag pa ni Cacdac na nandito ang gobyerno at ang ating Pangulo para tiyaking hindi pababayaan ang ating mga OFWs—lalo na sa panahon ng matinding pangangailangan.