-- Advertisements --

Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) ng sapat na tulong sa overseas Filipino worker (OFW) na nasangkot sa pagkamatay ng isang bata sa Kuwait.

Una nang iniulat ng Philippine Embassy sa Kuwait ang pagkakasangkot ng mangagawang Pinoy sa naturang krimen at tiniyak ang paglalaan nito ng tulong, salig na rin sa saklaw at itinatakda ng batas ng Kuwait.

Ayon sa DMW, agad itong nakipag-ugnayan sa mga otoridad ng Kuwait at sa pamilya ng hindi na pinangalanang mangagawa upang ilapit ang lahat ng tulong.

Tiniyak din ng ahensiya na ang nangyari ay isang isolated na kaso lamang at hindi ito sumasalamin sa values ng mga Pinoy.

Ayon sa ahensiya, kilala ang mga overseas Filipinos sa kanilang pagiging mapag-alaga, propesyunal, at masipag.

Batay sa lumabas na report sa ilang Kuwait-based news organization, umamin umano mismo ang mangagawang Pinoy na inilagay niya sa loob ng isang washing machine ang bata sa frustration, hanggang sa tuluyang namatay ang biktima. Ayon sa ilang lumabas na report, ‘inaabala’ umano ng bata ang Pinoy worker.

Samantala, ipinaabot naman ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang pakikidalamhati nito sa pamilya ng nasawing Kuwaiti.