Nagbigay ng katiyakan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ng nawawalang Pilipinong engineer ng MV Tutor na makatatanggap sila ng tulong mula sa ahensya, matapos ang pahayag ng Estados Unidos na nasawi na ang Pilipinong seafarer.
Nagtipon ang pamilya ng nawawalang seafarer kasama si DMW Secretary Hans Cacdac, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Arnell Ignacio, at Sea Gate Navigation Corp. president Desiree Page.
Tinalakay nila ang kalagayan ng MV Tutor at ang pinakahuling balita sa paghahanap sa Pilipinong seaman sa kabila ng ulat na maaaring lumubog na ang barko sa Red Sea.
Tumanggi naman ang pamilya ng nawawalang seafarer na maglabas ng pahayag habang sila ay nasa opisina ng OWWA.
Sa ngayon, naka-set si Cacdac na makipagpulong sa mga kinatawan ng mga may-ari ng barko at seafarers group upang talakayin ang kaligtasan ng mga Pilipinong tripulante sa Red Sea at Gulf of Aden.
Pinag-aaralan din ng ahensya kung kinakailangan bang itigil pansamantala ang pagpapadala ng mga seafarer sa mga mapanganib na lugar.
Kung matatandaan, una nang iniulat ni Cacdac na ang operasyon sa paghahanap sa nawawalang Pilipinong seafarer ay magsisimula sa engine room kung saan siya pinaniniwalaang nagtatrabaho nang umatake ang Houthi rebels sa barko.