Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang tulong sa isang overseas Filipino worker (OFW) na inaresto at ikinulong sa Japan.
Sinabi ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac na matatandaang nakatanggap sila ng ulat mula sa DMW Migrant Workers Office (MWO)-Tokyo sa pag-aresto at pagkulong sa isang lalaking OFW kaugnay ng kaso ng isang natagpuang patay ang mag-asawang Hapones sa loob ng kanilang tahanan sa Adachi Ward ng Tokyo noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Cacdac na agad niyang inutusan ang Migrant Office sa Tokyo na bisitahin at makipagkita sa kinauukulang OFW at tiniyak sa kanya ang tulong ng gobyerno.
Inutusan din ni Cacdac ang tanggapan na alamin ang kalagayan ng OFW at tukuyin ang anumang agarang pangangailangan na maaaring kailanganin nito.
Inatasan din na tiyakin ang higit sa sapat na legal aid sa nakakulong na OFW.
Nauna nang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawang Pinoy ang naaresto sa Japan matapos matagpuang patay sa kanilang tirahan ang 55-anyos na si Norihiro Takahashi at ang kanyang 52-anyos na asawang si Kimie.
Natagpuan ang mga bangkay ng mag-asawa na may maraming saksak at senyales ng pakikipaglaban.